Keynote Address by the Organizing Committee*
Pagbabago! People’s Movement for Change Founding Assembly
26 May 2009, Makati City
On behalf of the Organizing Committee of Pagbabago! People’s Movement for Change, I would like to warmly greet all of you here today - founding and future members, esteemed guests and friends - all of you who yearn for real and meaningful change in our country: Salamat sa inyong pagdalo! Salamat din sa University of Makati sa malamig at magandang lugar ng ating Founding Assembly.
Hindi kataka-taka kung bakit maraming nagsusulputang grupo ngayon na nananawagan ng pagbabago.
Malaki ang disgusto ng mga kababayan natin sa gubyernong Arroyo. Mahirap ang buhay at tila wala nang pag-asang umasenso. Ang mga dating mga problema ng katiwalian, abuso sa kapangyarihan, kriminalidad, paglabag sa mga karapatang pantao, at paglapastangan sa dignidad at soberanya ng bansa ay higit pang pinalala ng isang gubyernong ilehitimo at walang kahihiyan.
Mistulang opisyal na ang election campaign: sa dami ng political advertisements ng mga tinatawag na “presidentiable”; sa tindi ng batuhan ng mga akusasyon ng dumi ng mga kakandidato sa isa’t isa; at sa dami rin ng mga pumuposturang para sa “pagbabago” at para sa “reporma”, na ang ibig lang naman nilang sabihin, kami ang inyong iboto.
Ang kilusang sa pagbabago na ating pormal na itinatatag sa araw na ito ay hindi lamang bunga ng matinding pagnanais na palitan na ang gubyernong Arroyo. At lalong hindi para mangampanya - hayag man o patago - sa alin mang “presidentiable”.
Ito’y tangkang sagutin ang madalas tanungin ng marami sa ating mga kababayan: Ano ang ipapalit na patakarang gubyerno at sino ang mamumuno? Sa pamamagitan ng 11-point People’s Agenda, pagtatakda ng People’s Criteria, at pagiging People’s Watchdog sa panahon ng halalan at maging pagkatapos nito, nais bigyang sustansya ng Pagbabago! ang ibig sabihin ng panawagang baguhin ang sistema.
Gayunman, alam natin na hindi sapat na manawagan ng pagbabago kung tayo mismo, ang mamamayan, ay hindi rin magbabago. Bitiwan na natin ang mga atrasado at kontra-pagbabagong gawi tulad ng pagiging walang kibo, walang pakialam, sunud-sunuran, utu-uto, matatakutin, at higit sa lahat, manhid.
Nahaharap tayo ngayon sa isang crossroad sa buhay ng ating bansa. Maaaring ang mga kaganapan ay magtulak sa atin sa higit na pagkalulong sa bulok na sistema. O maaaring kunin natin ang landas tungo sa tunay na pagbabago.
Sa isang banda, nariyan ang halalang 2010 na itinakdang paraan ng Konstitusyon upang mabago ang mga pangunahing pinuno ng bansa. Marami nang umaasa na sa wakas mawawala na si Gloria.
Naggigirian na ang mga kandidato, deklarado at hindi. Panay ang photo-op sa midya, pagkokomentaryo sa radyo o pagsali sa mga noontime tv show para maitaas ang kanilang popularity ratings. Nag-umpisa na ang panunuyo ng mga botante at tagapagtustos sa kampanya.
Pabago-bago ang mga magkakaalyansa: ang “oposisyon” ngayon ay maaaring maging maka-administrasyon bukas. Balewala ang platapormang gubyerno dahil wala naming pagkakaiba. At tila walang nababahala o nagtataka. Sanay na ang taumbayan sa circus ng eleksyon.
Kung kayat maraming kabataan ang walang interes bumoto. Kailangan pa ng maiingay na kampanya ng masmidya, mga kandidato, at mga sibikong samahan para sila magrehistro. Laganap ang pagdududa na magiging malinis, patas at may kabuluhan ang 2010 eleksyon para sa ordinaryong mamamayan.
Mula sa karanasan natin sa nagdaang mga eleksyon, madaling makita na hindi dapat umasa nang malaki sa pagbabagong maidudulot ng halalan lalo na’t wala naming halos pagpipilian. Natuto rin tayong maging mapagbantay sa resulta ng botohan: upang matalo ang kinamumuhiang kandidato tulad ng diktador na si Marcos o si Gloria at upang ipanalo ang mga kandidatong naiiba (gaya sa party-list) na maaaring magpasok ng sariwang hangin sa mga mababahong institusyon tulad ng Konggreso.
Pero sa kabilang banda, magkaka-eleksyon nga ba? Ang pakanang Cha-cha ay buhay pa rin sa kabila nang paubos na ang panahon para mai-railroad ito sa Konggreso at Korte Suprema ng mga ayado ni Gloria. May scenario na failure of elections sa pamamagitan ng palpak na automation kundi man malawakang automated cheating.
Ang National Security Adviser ay nagpalutang ng ideya ng “transition president” hanggang mapalitan ang sistema ng gubyerno. Ang kilos ni Mrs. Arroyo ay hindi kilos ng lameduck president kundi kilos ng hindi aalis sa poder. Maugong na maugong ang balita na tatakbo si Gloria sa kanyang probinsya ng Pampanga. Lumalapot ang ugnayang pampulitika ng pamilyang Arroyo at Danding Cojuangco habang napapaburan ang mga negosyo ng huli. Agresibo ang mga anak at kroni ni Gloria sa pag-agaw ng dominanteng pwesto sa mga estratehikong industrya tulad ng enerhiya at power.
At syempre pa, panay ang tanggi ni Mrs. Arroyo at ng kanyang mga tagapagtanggol, kasama na ang ilang pinunong simbahan, na may balak pa siyang manatili sa Malakanyang lampas ng 2010. Bagay na dapat interpretahin na kabaliktaran ng kaniyang tunay na binabalak. Lalo na’t sistematiko ang pananakot at paninindak sa independyenteng mass media practicioners. Tuloy ang extrajudicial killings, enforced disappearances, illegal arrest and detention at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga kalaban ng administrasyong Arroyo.
Talagang walang magiging pagbabago kung magpapatuloy pa si Gloria sa Malakanyang sa iba’t ibang buktot na paraan. Ang Pagbabago! ay kailangang kumilos at makipagkaisa sa pinakamalapad na hanay upang pigilin ito.
Gayun din, hindi makakasapat ang pagpapalit ng pinuno upang mabago ang sistema, na ito’y maging para sa nakararami, hindi lamang sa iilan; para sa sambayanang Pilipino, hindi para sa dayuhan; at para sa mahirap at pinagsasamantalahan, hindi lamang sa mayaman at nang-aapi. Ang eleksyon ay maaaring magdulot lamang ng rigodon sa kung sino ang mamumuno kung hindi tayo kikilos.
Ang Pagbabago ay napapanahon, relevant, may kakayahang mang-akit at magpakilos mula sa cross-section ng lipunan, at higit sa lahat palaban at lalampas sa halalang 2010. Sa tulong ninyo at sa pagkakaisa ng mamamayang Pilipino!
Maraming salamat, po.
Read by Mother Mary John Mananzan, OSB, Pagbabago! People’s Movement for Change Co-Chairperson.
- rbahaguejr's blog
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
- Send to friend





