CLOSING REMARKS: Founding Assembly ng Pagbabago! People’s Movement for Change

JUDY M. TAGUIWALO
Mayo 26, 2009
Mini Theater, University of Makati

Palakpakan natin ang ating mga sarili sa matagumpay nating pagtatatag ngayong hapon ng ating kilusan, ang Pagbabago! People’s Movement for Change.

Iisa ang ating motibasyon sa pagtatatag ng kilusang ito: “Mahal natin ang ating bayan.
Nais natin ng pagbabago!” Ating ipinahayag na “Tayo ang Pagbabago!” at ang hangad natin ay “Pagbabago sa isip, sa salita at sa gawa.”

Inspirasyon sa atin ang mga nakaraang kilusan sa ating bayan kabilang na ang Katipunan. Patuloy na may katuturan ang Kartilya ng Katipunan na nagsasaad na:

Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag

Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda…; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

Ipagtanggol mo ang inaapi, at kabakahin ang umaapi

At katulad ng sa panahon ng Katipunan, hindi usapin ang edad. Alalahanin natin si Tandang Sora, na sa edad na 90 anyos ay pinili ang distierro sa Guam kaysa ipagkanulo ang Katipunan. Alalahanin natin sina Emilio Jacinto, si Gregoria de Jesus, mga 18 taon gulang lamang ng umanib sa katipunan ng mga anak ng bayan. At katulad nila: naninindigan tayo at nagsasabing mahal natin ang bayan, nais natin ng pagbabago. At katulad nila, batid natin na habang binabago natin ang lipunan ay kailangang mabago ang sarili at nababago ang ating mga sarili habang binabago natin ang lipunan.

Ngayong hapon, muli nating ipinahayag ang ating paninindigan, ang ating mga layunin at ang ating 11 puntong Adyenda ng Pagbabago na unang inihapag noong Marso 25, 2009. Binigyang partikular na hugis at mga partikular na plano ang mga ito sa mga ulat ng mga working groups ng ating kilusan: sa pag-oorganisa at edukasyon, sa research, sa elektoral, sa kampanya at sa tinatawag nating “getting our message across”.

At sa bukas na talakayan ngayong hapon, idinagdag o binigyang diin natin ang pangangailangang palakasin ang pakikiisa sa mga magsasaka at sa mga maralitang tagalungsod na nitong mga nakaraang araw ay dumanas ng bigat ng represyon sa kanilang karapatang malayang makapamahayag at karapatang magkaroon ng lupa at tirahan sa sariling bayan. Pinaalaala rin sa atin na kailangang ipawalang-bisa natin ang maraming mapanupil na mga dikretong inilabas sa panahon ng diktadurang Marcos na hanggang ngayon ay patuloy na umiiral tulad ng “automatic appropriations act” na naglalaan ng hindi bababa s 40% ng taunang badyet ng gobyerno para sa pambayad utang at mga patakarang laban sa mga manggagawa. Muli nating idiniin na mahalaga ang eleksyon sa 2010 dahil isang larangan ito para maipalaganap ang ating adyenda sa pagbabago, mailantad ang mga bulok at mga tiwaling pulitiko pero hindi ang eleksyon ang “end-all and be-all” ng ating kilusan. May eleksyon o wala, maninindigan tayo batay sa ating 11 puntong adyenda. Inihapag din ng ilang mga kasapi ng kilusan ang kahalagahan ng pagbibigay laman at detalye sa ating programang pang-ekonomiya. At siyempre ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalawak ng ating kilusan at pagpaparami ng ating mga kasapi. Bukas na bukas ang mga grupong kultural para tumulong sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng ating kilusan at makaambag sa pagpapalawak ng Pagbabago!

Ipinagtibay din ng ating asembleya ang panukala na itransporma ang Organizing Committee ng Pagbabago! sa paging Coordinating Committee bilang tanda na buo na ang ating kilusan.

Bilang pangwakas, nais kong ihapag ang sagot sa tanong ni Archbishop Cruz sa kanyang pananalita sa pagbukas ng ating asembleya: “Malinaw ang hangad nating mga karapatan, ano naman ang ating tungkulin?”

Ito ang sagot, Bishop Cruz, mula sa awit na “Pilipinas kong Mahal”:

Tungkulin kong gagampanan na lagi kang paglingkuran
Ang laya mo’y babantayan (sa panahong ito, ipaglalaban)
Pilipinas kong hirang.